Description
Ang nobela ay tungkol sa buhay at pag-ibig nina Andres Bonifacio at Gregoria de Jesus sa bungad ng Rebolusyon ng 1896. Masasabing kasaysayan ito ng pag-iibigan ng Lakambini at Supremo ng Katipunan.
Sa nobela, si Ka Andres at Ka Oryang ay dalisay na mga tao sa sinapupunan ng panahong sumaklaw sa kanilang tadhana. Nag-ibigan sila, nagsuyuan, ikinasal at nagkaroon ng supling sa nakakatigatig na panahon bago sumabog ang pinakaunang himagsikan laban sa dayong manlulupig sa Asya at Aprika.
Sinikap ng nobelista na ipakita sina Andres Bonifacio a Gregoria de Jesus na kagaya ng sinumang nilikha, may likas na pagkatao, nagmamahal, nasasaktan subalit laging pinamamayanihan ng pag-asa at pananalig.
Pinagsanib ng nobelista ang kasaysayan at realidad na bunga ng guniguni. Sa istilong kakaiba ang mga historikal na persona ay naging kakawil ng mga pagkataong likha ng isip at imahinasyon. Mabisa ang ganitong pagsasanib ng kasaysayan at bungang-isip para sa isang nobelang may pulso ng buhay.
Ang Pag-ibig sa Mata ng Unos ay maituturing na isang nobela ng lumipas, para sa kasalukuyan at pamana sa hinaharap.